Nang mabasa mo ang title siguro na imagine mo ang malawak at luntiang parang sa tanghaling tapat, naroon ka sa kubo at natatanaw ang animo'y magandang babaeng nakasuot ng soro't saya, may dalang bilao pakendeng-kendeng kasabay ng pagsayaw ng kanyang damit sa hangin habang binabagtas ang makitid at delekadong pilapil na sinasabayan pa ng kanyang pagawit ng I Will Always Love You ni Whitney Houston. Lalo kang nangiti ng ang animo'y magandang binibini na umaalindog sa katanghaliang-tapat ay napagtanto palang isang baklang bukid.
Ano ang Baklang Bukid? Hindi ko rin alam. Naisip ko lang. May reklamo? hehehe. Siguro ang baklang bukid ay ang pinaka angkop na salita na naglalarawan sa uri ng pamumuhay at kaisipan meron ang mga kapatid kong nasa ikatlong kasarian sa Pilipinas. Kamangmangan, kaipokritohan, diskriminayson, pagkakawatak-watak, kaplastikan at iba pa (ikaw na ang magdagdag).O ano, napaisip ka kung ito nga ba ang larawan ng lipunan meron si Juana Dela Chusa(baklang pinoy).
Nasa Baguio ako nuon mag-isa at habang binabagtas ang Session Road, nagulantang ako ng makita kong may nangyayaring Pride Parade. Wow, meron palang ganito dito nasabi ko sa sarili. Gusto ko sanang sumunod sa parade pro nahihiya ako at naisip ko since first time ko, magobserve nalang ako. Natutuwa ako sa aking natatanaw, mga magagandang binibini na di mo akalain na mga lalaki pala at mga poging babae na di mo akalaing babae pala. Sila ay sabay sabay na sumisigaw habang nagmamartsa papuntang Burnham Park kasabay ng pagwagayway sa Rainbow Flag . Respect, Freedom, No Discrimination at Equality. Ilan lamang sa mga mabibigat na mga salitang ninanais makamtam ng isang Juana Dela Chusa sa ating lipunan, ngunit pilit pinagdadamot ng pagkakataon.
Napapawi na ang aking tuwa habang papalayo na ang parada sa akin. Nang hindi ko na matanaw halos ang parada, napaisip ako at naitanong sa sarili kung ano na ang mangyayari pagkatapos ng Pride Parade. Siguro pagkatapos ng parada, ung mga magagandang Juana Dela Chusa babalik na rin sa dati. Ang iba, pagkaalis ng makeup at ng magarang costume diretso na na sa dramang pagiging bi or straight kaya. Ang baklang sumisigaw ng Freedom kanina lang ay heto na at di magkaugagang nagtatago sa sikat na aparador na ang pangalan ay BI. Madami bakla sa ating bansa ang nagtatago bilang isang Bi. Ang salitang bi ay ang naging kanlungan ng bawat baklang nagnanais ng konting respeto at pansamantalang lunas sa sakit na dulot ng katotohanang ng pagiging bakla. Ang salitang bakla kasi ay masyadong masakit at negatibo. Sa ating lipunan na nagdudunungdunungan, ang salitang bakla ay nangangahulugan ng, bastusin, walang kwenta, katawatawa, walang pakinabang, salot, makademonyo at iba pa.
Ang mga baklang sumisigaw naman ng No Discrimination at Equality ay eto na at 'di magkaugagang pilit ikinahihiya at tinatakwil ang mga kapatid nating nagbibihis at kilos babae. Kung malala ang diskriminasyon galing sa lipunang ating ginagalawan, mas matindi ang diskrinasyon sa loob ng lipunan ng third sex. Ang mga baklang nagtatago sa APARADOR NA BI ay ayaw maasociate sa mga baklang mahaba ang buhok dahil natatakot maleybelan na kaladkarin at bastusin. Kung gusto mong matikman kung ano ang sinasabi ko, bakit hindi ka pumunta sa site ng Planet Romeo. Doon sa site matitikman mo ang sangkatutak na discrimination galing sa kapwa. makakarananas ka rin naman ng mga magaganda kayalang kundi galing sa hayok sa laman eh galing sa hayok sa kayamanan. Pagbasa palang sa mga headings mararamdaman mo na ito. No Gay! No Effem! No Chub! No Payatot! No Masseur! No Moneyboys! No BadBreath! Bawal ang pangit! Ang daming NOs, kaya kung hindi ka anak ni Zeus, Athena at iba pang mga dyosa wag kanang mag member sa mga ganung site.
Sa ating bansa ang CLOSET ay may dalwang pintuan. Pag sinabing OUT OF THE CLOSET nako, hindi nangangahulugang out kana talaga. Siguro kinaylangan na dalawa ang pintuan ng CLOSET na ito para mas matibay sa mga pananakit dulot ng lipunan na ating ginagalawan. Sa totoo lang wala ka naman talagang mapapala kung magoout ka o hindi. Pareha lang naman, sigura diperensya lang eh magkakaboyfren ka o dadami ang mga kaibigan mong bakla o kaya may bagong gay lingo words kang matututunan.
Hindi tutuo na ang importante lamang ay may busilak kang puso at wala kang inaapakang tao. Mahirap gawin ang bagay na yon kung hindi mo maintindihan ang yong sarili at may pilit kang tinatago. Sa pagkakataong wala kang naaapakang ibang tao, baka sarili mo na pala ang naaapakan mo. Sana ang Baklang Bukid pagdating ng panahon ay hindi na larawan ng baklang unghang kundi ng baklang payapang nabubuhay habang kumekendeng sa pagbagtas ng delikadong pilapil at kumakanta ng I Will Always Love You.
